Tuesday, December 18, 2012

My novel that is taking forever to finish.

Photo via: http://mpgonz.blogspot.com



Paliparan ang pinakamalungkot na lugar para sa akin.

Ang paglisan ng isang minamahal ay napakasakit. Kahit pa ang dahilan ay ang ikakaasenyo ng inyong buhay. Ang pag-alis upang magbakasyon ay dapat masaya na maituturing. Ngunit kahit saang anggulo pa ito tingnan. Dadating at dadating ka sa punto na mawawari mo na ikaw ay nahiwalay sa mga taong mahal mo kahit sandali man ito.

Ang pagbabalik ay may dalang saya. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon.

Tatlong taon, walong buwan, sampung araw, at apat na oras. Ganyan katagal akong wala sa Pilipinas. Bumalik ako dahil sa aksidente na nangyari apat na araw na ang nakakaraan. Aksidente na kinasasangkutan ng kaibigan na limang taon ko nang di nakakausap.

Lima. Bilang ng taon na sadyang hindi sapat upang makalimot.



PANGALAWA
  
ni Ryu Ronquillo



1

Kung may una, may pangalawa kadalasan.

Hospital ang sunod na pinakamalungkot na lugar para sakin. Dito man pumupunta ang isang tao upang humanap ng lunas para sa problemang medikal. Ito rin ang lugar na kinakikitaan ng paghihirap, at pagpanaw.

Hindi ko alam kung bakit ito ang tumatakbo sa isip ko habang tinatahak ang daan patungo sa silid nya. Hindi ba dapat ang isipin ko ay ang kalagayan nya? Maaari kaya na pinipilit ko lamang iwaksi sa aking isip na seryoso ang nangyari sa kanya.

Limang taon.

Hindi man matagal na maituturing ay sapat na upang mapaisip ako kung ano ang una kong sasabihin sa kanya. Lalo pa na bago pa man ako umalis ay hindi ko na alam kung paano pa ang kausapin siya.

Alam kaya niya ang dahilan ng paglisan ko mga apat na taon na ang nakakaraan?

At ako ay nakarating na sa kanyang silid. Nakatitig sa pintuang di ko magawang katokin. Ano ang masasaksihan ko sa loob? Binago kaya ng aksidente ang hitsura nya? Ang ngiti nya na ni minsan ay di nawaksi sa alaala ko kaya ang babati sakin bago ko pa man marinig ang boses niya? Boses? May tumatawag ng atensyon ko. Sa kanan ko ay may nakatingin sakin. Sa kanya galing ang boses. Ang pamilyar na ngiti. Ngunit hindi siya ito. Ang kuya niya!

'Pasensya na, ano yun?' Tanong ko sa kanya dahil di ko nadinig ni isa sa mga salitang sinabi nya.

'Kaibigan ka ba ng kapatid ko?' Ang pag-ulit nya ng tanong at ginawa niya ito ng may kabagalan.

Ako ay nakipagkamay bago sagutin ang tanong niya, 'Oo, ako nga pala si Matt'

Muli ay nakita ko ang ngiti na labis na halintulad ng sa kapatid nya na biglang nawala kasabay ng tanong niya, 'Matthew? Yung nasa New Jersey?' At binitiwan nya ang kamay ko.

'Ako nga yun.' sagot ko agad.

'Kailan ka pa bumalik? Ay, ako nga pala si Nathan, kuya niya.' at muli siyang nakipagkamay sakin.

'Kaninang umaga lang. Amoy eroplano pa nga ata ako.' ngayon ako naman ang ngumiti.

'Halika pasok ka na.' lumapit siya sa pinto upang buksan ito.

'Sandali!' biglaan kong pigil sa kanya. 'Kamusta naman ba siya?'

'Halika na sa loob ng malaman mo.' at bigla lumipad pabukas ang pinto ng silid.

Biglang tumahimik ang mundo ko. Alam ko ito dahil naririnig ko ang pintig ng puso ko. Mabilis. Ngunit sa kabilang banda ay malungkot. Dahan dahan ang paglalakad ko, pero nakaramdam ako ng biglang pagkapagod hatid ng pagpipigil ko sa sarili na lumuha.

Nakaupo siya sa kanyang higaan. Kapirasong galos sa noo lamang ang dinulot ng aksidente sa kanya. Halata sa kanya na nabawasan siya nang timbang. Napakagandang lalaki pa rin nya. Katunayan, ang limang taon na nagdaan ay mas nagpatingkad ng dati pa niyang kaaya-ayang hitsura.

Napangiti ako na biglaan namang nawala ng mapagtanto ko na hindi sya ngumiti. Mistulang blangko ang mukha niya. Walang bahid ng kung ano mang palatandaan na tutulong sakin na alamin kung ano ang nararamdaman niya. Marahil ay galit siya.

'Akie, si Matt 'to.' turo ng kuya niya. 'Siya yung matalik na kaibigan mo na pumunta ng New Jersey.' dagdag pa ni Nathan.

Di nawala ang tingin niya sakin kahit pa nung nagsasalita ang kuya niya.

'Dahil sa aksidente nagka-amnesia siya. Sa ngayon kami lang na pamilya niya ang naaalala niya.' salaysay ni Nathan na may bahid ng lungkot.

'Matt.' sambit ni Akie ng pangalan ko. Hindi man niya patanong na sinabi, alam ko na hindi niya ko nakikilala.

At sa puntong ito ay sumuko na ang katawan ko at lumuha. Sinisisi ko ang sarili. Ako ang may gustong lumimot. Kaya lumisan at tumungo sa Amerika. Ngunit heto ako nakatayo sa harap ng taong pinakamamahal ko. Siya na hindi maalala kung sino ako.

No comments:

Post a Comment